Ganito ang nangyari, pauwi na ako galing sa PUP Sta. Mesa (oo, PUPian ako). Normal ang lahat. Normal na normal, kahit sa pagsakay ko ng jeep. Sa totoo lang, mahilig akong sumakay sa unahan ng jeep. Hindi dahil sa gusto ko ang view, kundi dahil ayaw kong nakikipag-siksikan. At least kapag nandun ako, dalawa lang talaga kayong uupo sa upuan. Pero hindi nandun yung kwento. Ganto na ang nangyari. Pagkasakay na pagkasakay ko, nagbayad agad ako kay Manong Driver. Buong isang-daang piso. Yung violet. Yun. Mga after 5 minutes, nasuklian naman ako, kaya okay na ang byahe. Idlip idlip na lang ang gagawin ko hanggang sa makarating sa Boni.
Okay na sana ang lahat, kaso may biglang sumingit. May babae, (first year siguro, inosente yung mukha eh), naka- PE uniform, tapos nagsalita:
"Manong, yung sukli po sa isang daan?"
Hindi naman ako apektado dun sa babae, normal lang naman yata na malimutan ng driver yung sukli. Pero nagulat ako sa sinabi ng driver:
"Anung isang-daan? Siya lang yun nagbayad ng isang-daan sa'kin" sabay turo ng driver sakin.
Nagtataka ako kung bakit ako napasama sa issue. Siguro dahil ako nga yung unang mapapansin niya kapag nagbayad, dahil nga nasa harapan ako. Pero parang naawa ako bigla. Pinagpipilitan kasi ng driver na wala ng ibang nagbayad ng P100. Nahiya naman ako sa mga nakasakay sa jeep. Kahit di nila ako kita, dawit ako dun. Baka iniisip nilang kinuha ko yung sukli nung babae. Naka-suot pa naman ako ng college shirt namin. Kahihiyan abot ko nun. Panigurado. Napatunayan ko na din nung mga panahon na yun na first year nga lang yata yung babae, dahil hindi na siya lumaban sa driver, kahit alam niyang kulang.
Noong mga oras na yon, talagang naaawa ako. Alam ko namang sa Boni din siya bababa, kaya sabi ko, pagbaba, ililibre ko na lang siya ng pamasahe. Pero di pala siya nag-iisa, may kasama pa siyang dalawang babae. Yung isa, matapang. Nakipag-usap din sa driver. Yung isa, extra, taga-ulit lang ng sinasabi nung dalawa. Naiirita na din ako nun. Ikaw ba namang ituro ng ituro nung pesteng driver, edi parang naging kasabwat pa ako nun.
Naging mainit din yung balitaktakan nung dalawang panig. Si Manong, tutal matanda na din, mahinahon magsalita. Yung isang babae, yung matapang, siya yung nakikipagtalo. Yung nawalan ng isang-daan, naiyak na yata (di ko kita, kasi nga nasa likod sila, at malabo ang mata ko para tumingin pa sa rear-view mirror). Tapos yung isa, extra lang talaga. Sa huli, wala silang magagawa. Dumating na sa Boni. Kailangan talaga nilang bumaba. Hindi ko alam kung lalapit pa ako dun sa babae para tumulong. Kung tutulong ako, magmumukhang ako yung kumuha nung pera. Kung hindi naman, parang napaka- walang kwenta ko naman, nadawit na nga sa issue, magpapatay bahala pa. Sa huli, bumaba din yung tatlo. Pero yung matapang nga na babae, sinabihan yung manong:
"Iyong iyo na yung pera. Hindi kami makikipag-patayan dyan. Palibhasa malabo mata mo."
Pagbaba, hindi ko alam yung gagawin. Iiba ba ako ng daan? Kaso kapag nag-iba ako ng daan, baka isipin nilang umiiwas ako, at talagang may kasalanan ako. Nakaka-paranoid yung sitwasyon. Sobra. Nang-lilisik tumingin yung babae. Sira na yata dangal ko pag nakita pa ako nun. Isang malupit na poker face na lang, habang naglalakad. In that way, walang reaksyon, walang makikitang kaba, at mawawala sa isip ko na baka bigla na lang akong kotongan mula sa likod.
Naisip ko bigla, tama bang hindi ako tumulong? Naalala ko yung kumalat na mga modus sa mga bus at jeep. Yun kaya ang nangyari kanina? Mahirap. Muntik na talaga ako dun. Mahirap pa naman akong magtago kung inosente o hindi. Kabado ako kapag biglaan ang nangyayari.
Sa huli, hindi ko na matanaw sila ate. Hindi ko din matandaan mga mukha nila. Malabo kasi ang mga mata ko. Siguro kapag nakita ko ulit yung mata nung Ateng Matapang ay maaalala ko siya. Pero bakit gusto kong hanapin yung mga babae? Siguro gusto ko din bumawi. Parang, dinadala ng konsensya ko na hindi ako tumulong. Sa totoo lang, kahit alam kong wala akong magagawa, hindi pa din matanggal sa isip ko na isa pala ako sa mga taong walang paki-alam. Yung mga taong walang paki-alam. Alam kong alam mo yun.
Minsan, nahihirapan kang mag-desisyon, hindi dahil sa hindi mo alam ang gagawin, kundi sa hindi ka lang talaga sanay. Practice makes perfect talaga. O depende na lang sa moral na iniintindi mo.
No comments:
Post a Comment